Nasawi habang nakaratay sa ospital ang isang lalaking walong-taong-gulang sa General Santos City matapos na bugbugin umano kaniyang sariling ama. Ang suspek, lagi umanong sinasaktan ang mga anak kapag lasing.
Sa ulat ni Jes Humamil ng GMA Regional TV One Mindanao sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing Martes ng madaling araw bugbugin sa kanilang bahay ang biktimang si Yurie Canlaon sa Barangay Fatima.
Suspek sa krimen si Roy Canlaon Jr., 34-anyos, na batay sa imbestigasyon ng pulisya ay sinasaktan ang kaniyang mga anak kapag lasing.
Nasa Maynila naman ang ina ng mga bata para asikasuhin ang planong pangingibang-bansa para magtrabaho.
Dahil sa nangyari, umuwi na ang ginang upang asikasuhin ang labi ng kaniyang anak.
Ayon sa isa sa tatlong kapatid ng biktima, unang binugbog ng kanilang ama ang kanilang bunsong kapatid na babae, at isinunod nito ang Yurie na siyang napuruhan.
"Dahil daw sa kaniyang kalasingan 'di niya daw alam ang kaniyang ginagawa so 'yon ang allegation niya. 'Yon din ang pagkasabi ng mga batang kapatid.. binagsak daw," ani Police Major Wesley Matillano, Station Commander, Police Station 7, General Santos City Police.
Nagtamo ang biktima ng mga pasa at bali sa katawan.
Dinala ang biktima sa ospital pero binawian din ng buhay nitong Huwebes ng madaling araw.
Samantala, nakakulong na ang suspek na labis ang kaniyang pagtangis at paghingi ng tawad sa pamilya.
Ayon kay Matillano, nauna nang kinasuhan ang suspek ng serious physcial injury in connection sa Republic Acf 7610. Pero dahil pumanaw ang biktima, magsusumite sila ng supplemental affidavit para gawing parricide ang kaso.-- Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News