Ikinabahala ng ilang residente nang natagpuan nilang patay, wasak ang tiyan at wala na ang mga lamang-loob ang ilan nilang alagang kambing sa San Juan, Abra. Ilang linggo lang ang nakararaan, ilang kambing din ang nakitang patay sa Zamboanga.

Sa ulat ng Balitanghali nitong Huwebes, sinabing apat na alagang kambing ang nakitang patay sa San Juan, Abra.
Dalawa sa mga ito ang butas ang tiyan at wala nang mga laman-loob. Habang ulo na lang ang natira sa dalawang iba pa.

Dahil sa pangyayari, naghihigpit na sa pagbabantay ang mga residente tuwing gabi para hindi na maulit ang nangyari.

Nag-iimbestiga na rin ng pulisya sa insidente at kinukumpirma kung may asong nakawala na umaatake sa mga kambing.

Kamakailan lang, mistulang minasaker ang 14 na kambing sa Buenavista, Zamboanga City na nakitang patay at nakahandusay sa damuhan.

May mga kagat sa katawan ang mga kambing, at ang iba ay wala nang ulo.

Hinala na mga asong gala ang umatake sa mga kambing. --Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News