Isang 52-anyos na lalaki ang inireklamo ng kaniyang 15-anyos na pamangkin dahil 20 ulit umano siya nitong ginahasa sa Mangaldan, Pangasinan.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabi ng biktima na nagsimula siyang halayin ng suspek noong Oktubre 2023.

Sapilitan umano siyang dinadala ng suspek sa isang liblib na lugar at tinatakot na sasaktan kapag hindi pumayag sa gusto nitong mangyari.

"Bumulong siya sa akin na kapag hindi ako sasama, papatayin niya ako kaya sumama ako. Tapos dinala niya ako sa damuhan… pagkatapos niya akong galawin, binibigyan niya ako ng pera," ayon sa biktima.

Ang ina ng biktima ang nagsumbong sa mga pulis tungkol sa ginagawa ng suspek sa dalagita.

"Natural na galit [ako] at nagpunta ako sa police station doon ako nagsabi… dapat pagbayaran niya ang ginawa niya sa anak ko, dapat makulong siya. Hindi puwedeng ganyan ang ginagawa sa anak ko kasi tito niya," anang ginang.

Pero ayon sa suspek, magkarelasyon sila ng kaniyang pamangkin. Wala rin umanong nangyari sa kanila ng biktima.

"Relasyon namin dalawa ay since October pa. Halos lahat ng kinikita ko napupunta sa kanya... walang nangyari [sa amin]," anang suspek.

Itinanggi naman ng dalagita na may relasyon sila ng suspek. Isasailalim siya sa medico-legal examination na ang resulta ay gagamiting ebidensiya laban sa lalaki.-- FRJ, GMA Integrated News