Umalis na puno nang pag-asa ang pitong magkakamag-anak na mula sa Zamboanga del Sur dahil sa inaasahang trabaho na kanilang pupuntahan sa Cebu. Sa halip, trahediya ang kanilang sinapit matapos silang patayin at ilibing sa isang mababaw na hukay sa Lanao del Norte.
Sa nakarang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing Enero 7 nang makatanggap ng impormasyon ang pulisya ng Sapad, Lanao del Norte, tungkol sa mababaw na hukay na natagpuan sa isang malayong barangay na hinihinalang may inilibing.
Nang dumating ang mga awtoridad, nakumpirma na may pitong bangkay na nagsisimula nang maagnas ang nakita sa hukay na tinatayang dalawang talampakan lang ang lalim.
May mga tama ng bala ang mga biktima, at may posas at duck tape ang mga kamay.
At nang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga biktima, natuklasan na magkakamag-anak ang mga ito. Kinilala sila na sina Joselito Gaviola, at asawa niyang si Marly, ang kapatid ni Joselito na si Elvie Legara, at asawa ni Elvie na si Epifanio Sr., at ang kanilang mga anak na sina Jopay, Jomar, at Epifanio Jr.
Kuwento ng mga kaanak ng mga biktima, mayroong nag-text sa biktimang si Jomar na nagpapahanap ng babae na gustong magtrabaho sa Cebu bilang tagapagbantay ng bata.
Dahil sa magandang sahod at sagot pa umano ang pamasahe patungong Cebu, naingganyo ang mga biktima na sina Marly, Elvie, at Jopay na tanggapin ang alok.
Enero 5 nang umalis ang magkakamag-anak. Ang iba sa kanila, maghahatid lang sana at kukuha ng pera. Pero kinahapunan, umiiyak na umuwi ang isa sa mga anak ni Joselito dahil may nag-text sa kaniya na patay na ang kaniyang ama at ina.
Si Jomar, nakapag-chat pa sa kapatid at sinabi ang masamang nagyari sa kanila. Hindi na makontak ang numerong nakipag-chat noon kay Jomar.
Hinala ng mga kaanak, set-up ang nangyari at planado ang ginawang pagpatay sa mga biktima. Sino nga ba ang nasa likod ng karumal-dumal na krimen at bakit pinatay ang mga biktima? Ang isa sa mga motibong tinitingnan ng mga awtoridad, alamin sa buong report ng "KMJS." --FRJ, GMA Integrated News