Sugatan ang anim na kabataan na pawang mga nakainom umano, matapos nilang maisipang makipagkarera sa kalsada ngunit mahulog sa tatlo hanggang apat na talampakang bangin sa Guagua, Pampanga.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon, na iniulat din sa GMA Integrated Newsfeed, mapapanood ang CCTV footage na banayad ang sitwasyon ng trapiko at wala masyadong dumaraang sasakyan sa isang kalsada sa Barangay San Jose.

Ngunit ilang saglit lamang, biglang sumalpok sa poste ang humaharurot na AUV ng mga biktima.

Lumabas sa imbestigasyon ng mga awtoridad na nagmula sa isang inuman ang grupo at pauwi na sana sa San Fernando, Pampanga.

Ngunit habang nasa biyahe, naisipan umano ng grupo na makipagkarera.

Umamin din ang driver ng AUV na nakainom siya at ang iba pa niyang kasama sa sasakyan.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Arnel Sagun, Acting Chief ng Guagua Police Station, elevated ang tulay sa intersection ng San Jose, Natividad at hindi nakontrol ng driver ang manibela kaya sila'y sumemplang at dumiretso sa bangin.

Mabilis namang sumaklolo ang ilang motorista at mga rescuer sa mga sakay ng AUV.

Kailangang operahan ang isang babaeng pasahero matapos mabalian ng buto.

Dagdag ni Sagun na masuwerte ang magkakaibigan dahil walang napuruhan sa kanila at walang nasawi.

Base pa sa mga awtoridad, sadyang accident prone ang lugar kung saan umaabot ng tatlo hanggang limang aksidente ang naitatala kada linggo. — VBL, GMA Integrated News