Hindi na umabot sa 2024 ang isang 36-anyos na babae na binaril at napatay sa Vigan City, Ilocos Sur.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Rhona Osalvo.
Binaril ng salarin si Osalva sa harap ng isang tindahan ilang oras bago ang pagsalubong sa 2024 sa Barangay 3 sa Vigan City. Ilocos Sur.
Ayon sa mga awtoridad, nagmimiryenda ang biktima nang barilin sa ulo at balikat ng tumakas na salarin.
Lumilitaw sa imbestigasyon na nadinig umano na nagtalo muna ang suspek at biktima bago nangyari ang pamamaril.
"According doon sa mga witness parang magkakilala sila," ayon kay Police Leiutenant Colonel Reynando Pitpitan, acting chief ng Vigan City Police Station.
Hindi pa malinaw ang motibo sa krimen at hindi na rin nagbigay ng pahayag ang pamilya ng biktima.
Pero sa pulisya, naniningil ng pautang ang biktima kaya ito nasa lugar ng pinangyarihan ng krimen.
Nitong Disyembre, lumiyaw na tatlong babae ang naging biktima ng pamamaril sa Vigan City.-- FRJ, GMA Integrated News