Patay sa saksak ang isang barangay kagawad sa Rosario, Northern Samar dahil sa paghuhukay ng ube.

Nakilala ang biktima na si Teddy Francisco Suano, ayon sa ulat ni Nico Waje sa Balitanghali nitong Miyerkoles na base sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, naghukay ang asawa ng biktima ng tanim nilang ube noong Disyembre 24.

Umabot daw ang paghuhukay sa lupain ng suspek na si Samuel Guinto Bubier. Ikinagalit daw ito ng suspek.

Nakasalubong ng suspek ang biktima at pinagsasaksak niya umano ito.

Nakatakbo pa ang biktima sa kanilang bahay ngunit sinundan siya ng suspek at sinaksak muli.

Inaresto ng mga awtoridad ang suspek na mahaharap sa kasong murder.

Wala siyang pahayag tungkol sa insidente. —KG, GMA Integrated News