Nasawi ang limang katao matapos magkasagupaan ang dalawang grupo sa Pikit, Cotabato.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Martes, inilahad ng pulisya na nagsasagawa ng road rehabilitation ang grupo ni Barangay Lagunde chairman Sindato Karim, nang paputukan sila ng grupo ni Basit Nando, alyas "Abu Sabaya."

Ilang saglit pa, dumating ang grupo ni Kapitan Karim at ang Barangay Peacekeeping Action Team upang depensahan ang kanilang mga sarili.

Patay sa bakbakan ang barangay kagawad na si Malik Nawal Karim at BPAT member na si Sammy Nawal Salik, habang nasawi sa panig ni Sabaya sina Kena Abdilla, Omar Abdillah at alyas "Kand’la."

Dalawang katao ang sugatan. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News