Limang kabataan ang sugatan matapos silang araruhin ng isang sasakyan habang nasa gilid ng daan sa Bantay, Ilocos Sur. Tatlo sa mga biktima ang malubha ang kalagayan sa ospital.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing katatapos lang ng misa nang nangyari ang insidente.
Nasa gilid ng daan malapit sa national highway ng Barangay Guimod ang mga tao, kabilang ang mga biktima, nang salpukin sila ng isang APV.
May edad 16, 13, 11, walo at anim ang mga biktima.
Dalawa sa kanila ay magkapatid.
Ayon kay Police Captain Sherwin Berona, Deputy Chief ng Bantay Police Station, tatlo sa mga biktima ang nasa intensive care unit.
Lumalabas din sa imbestigasyon ng awtoridad na nakainom umano ang driver at nakaidlip kaya nabunggo ang mga biktima
Nasugatan din pero maayos na ang lagay ng 51-anyos na driver na residente ng Abra.
Hindi na umano nagsampa ng reklamo ang pamilya ng mga biktima.-- FRJ, GMA Integrated News