Dalawang Koreano ang nasawi, habang isa pa ang naospital dahil sa nangyaring insidente sa loob ng sauna ng isang resort sa Mabini, Batangas.
Sa ulat ni Hazel Abiar sa Regional TV News nitong Lunes, sinabing hinihinala na na-suffocate sa sauna ang isang nasawi, gayundin ang isa pa nitong kasamahan na nakaligtas.
Habang ang isa pang nasawi ay tutulong sana sa kaniyang kasama na pero bilang nawalan ng malay at pumanaw din kinalaunan.
Nasa edad 63 at 67 ang mga nasawi na Korean nationals.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nakita sa CCTV camera ang isa sa mga Korean nang pumasok sa sauna. Pero pagkaraan ng ilang minuto, lumabas siya at nagtungo umano sa kuwarto.
Ilang saglit pa, bumalik ang naturang Koreano sa sauna kasama ang isa pa. Pero kinalaunan ay muli itong lumabas at tumatakbo para humingi umano ng tulong dahil hindi na niya magising ang mga kasama sa loob ng sauna.
Sa kasamaang-palad ang isa sa mga hiningan niya ng tulong ay nawalan umano ng malay ang pumanaw kinalaunan.
Dinala sa ospital ang mga biktima na idineklarang dead on arrival ang dalawa, habang nakaligtas ang isa pa.
Nakainom umano ang mga biktima bago nagtungo sa sauna. Lumilitaw sa paunang imbestigasyon na posibleng na-suffocate ang mga biktimang nasa sauna.
Ayon kay Police Staff Sergeant Bernie Faderogao, Investigator, Mabini Police Station, walang nakitang palatandaan ng physical struggle sa mga biktima.
Inirekomenda nila na isailalim sa awtopsiya ang mga nasawi para malaman ang tunay na dahilan ng kanilang pagkamatay.
Hindi nagbigay ng pahayag ang mga kaanak ng mga biktima pero nakipag-ugnayan na sila sa kanilang embahada at pulisya para hilingin na Korean authorities ang magsagawa ng awtopsiya sa mga nasawi.
Samantala, hindi naman muna nagbigay ng pahayag ang pamunuan ng resort, ayon sa ulat.-- FRJ, GMA Integrated News