Dalawang bata na edad lima at anim ang nalunod sa water impounding area sa Barangay Cabayaoasan sa Mangatarem, Pangasinan.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa Regional TV News nitong Huwebes, sinabing batay sa imbestigasyon, naglalaro ang mga biktima, kasama ang iba pang bata, malapit sa naturang ipunan ng tubig nang mangyari ang insidente.

Ayon kay Lailanie Santos, ina ng isa sa mga biktima, siya mismo ang nag-ahon sa katawan ng kaniyang anak pero hindi na nila naisalba ang buhay nito.

Ang isang biktima, nakadapa umano at dumikit sa ilalim ng lupa.

Panawagan ng mga kaanak ng biktima, lagyan ng bakod ang ipunan ng tubig para hindi na maulit ang trahediya.

Tiniyak naman ng punong barangay na lalagyan ng bakod ang lugar at ipagbabawal na maligo doon ang mga bata. --FRJ, GMA Integrated News