Inaresto at sinampahan ng kaukulang reklamo ang isang tricycle driver sa General Santos City matapos na magsumbong ang isang 16-anyos na babaeng estudyante na inaya siyang makipagtalik ng suspek nang magpahatid siya sa paaralan.

Sa ulat ni Jerwen Paglinawan sa Super Radyo dzBB nitong Biyernes, kinilala ang suspek na si Rey Sumoroy, 41-anyos, na inaresto ng Traffic Enforcement Unit-General Santos City Police Office na pinamumunuan ni Police Major Oliver Pauya.

Batay umano sa kuwento ng biktima, sumakay siya sa tricycle ng suspek nitong Huwebes para magpahatid sa paaralan.

Pero habang nasa biyahe, nagtanong umano ang suspek sa dalagita kung may karanasan na siya sa pakikipagtalaik.

Itinigil umano ng suspek ang tricycle sa "tahimik" na lugar at inaya ang estudyante na magtalik sila kahit sandali lang.

Umiiyak na nakiusap ang ang biktima sa suspek na ihatid na siya sa eskuwelahan.

Pagdating sa paaralan, mabilis na bumaba ang biktima papunta sa guwardiya habang umalis naman ang driver.

Nakuha naman ng guwardiya ang plaka ng tricycle kaya madali itong natunton nang hanapin ng mga awtoridad.

 

 

Sa Facebook page ng Traffic Enforcement Unit-General Santos City Police Office, makikita ang bahagi ng video habang kinakausap ng suspek ang biktima habang nasa tricycle.

Sa tanggapan ni Pauya, itinanggi ng suspek sa simula ang paratang laban sa kaniya. Pero iginiit ng opisyal na may video ang ginawang pag-aaya niya sa biktima na makipagtalik.

Dito na idinahilan ng suspek na nagbibiro lang siya pero desidido ang pamilya ng dalagita na ipakulong ang suspek.

Ayon sa ulat, may iba pang katulad na insidente na rin umano ang nangyari sa nakaraang mga araw na kinasasangkutan ng mga tricycle driver.

Hinikayat naman ni Pauya ang publiko na isumbong ang mga manyakis na tricycle driver na sumisira sa hanay ng mga matitinong driver sa kanilang lugar. --FRJ, GMA Integrated News