Posibleng mga personal na kadahilanan at hindi negosyo ang ugat ng pamamaril sa dalawang pasahero sa loob ng isang bus sa Carranglan, Nueva Ecija, ayon sa pulisya nitong Huwebes.
Sa panayam sa Unang Balita, sinabi ni Carranglan, Nueva Ecija Municipal Police Station chief Police Major Rey Ian Agliam na base sa kanilang pagsusuri, maaaring nakaplano na ang pamamaslang.
“May ano doon sa babae, may pagbabanta,” sabi ni Agliam.
“May theory kami na ito ay 'Plan B' na ng assassination sa dalawa. Parang plan B na nila ito, kasi merong sasakyan itong mga biktima. Ang pinagtataka namin bakit sila nag-commute at papaano nasundan. ‘Yan ang aalamin namin. Magba-backtracking po kami,” dagdag niya.
Sinabi ni Agliam na mag-live-in partner ang mga biktima at may sari-sariling mga negosyo.
“‘Yung babae po is medyo maluwang ang saka diyan sa Cauayan and dati siyang may palay buying station. May mga paupahan rin po. ‘Yung lalake may negosyo na related sa bakery,” anang opisyal.
Sinabi pa ni Agliam na isinagawa na ng pulisya ang kanilang hot pursuit operations nitong Miyerkoles laban sa mga suspek na nagtago umano sa kabundukan.
“Ang mga suspects ay bumaba ng bus, then tumawid sa ilog, then umakyat ng bundok. May mga eyewitness tayo…na umakyat ng bundok ang dalawang suspect,” sabi ni Agliam.
Sa ulat ng Saksi nitong Miyerkoles, mapapanood ang viral video ng malapitang pamamaril ng mga suspek sa mga biktima, na nakaupo sa harapan ng bus.
Matapos barilin ang mga biktima sa ulo at leeg, kasuwal lamang na bumaba ang mga suspek sa bus.
Sinabi ni Agliam na sumakay sa Cauayan City, Isabela ang mga biktima sa bus na biyaheng Maynila, habang sumakay ang mga suspek sa Bayombong, Nueva Vizcaya.—Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News