Patay matapos barilin ng mga salarin na nakasakay sa motorsiklo ang isang bagong halal na punong barangay sa Panabo City, Davao del Norte. Sa Antipas, Cotabato naman, isang bagong halal na kagawad din ang itinumba.
Sa ulat ni Kent Abrigana sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkules, kinilala ang biktima sa Panabo City na si Paul Albert Saquian, bagong halal na chairman ng Barangay Datu Abdul Dadia.
Ayon sa mga awtoridad, dakong 3:00 pm nitong Martes nang pagbabarilin si Saquian habang sakay ng kaniyang kotse.
Nakatakas naman ang mga salarin.
“Galing siya sa area dito ng New Visayas pauwi na siya sa kaniyang residence. Upon reaching the place of incident, he was fired by two unidentified person. 'Yun ang dahilan kung bakit bumangga siya doon sa waiting shed,” sabi ni Panabo City Police Chief, Major Jun Bautista.
Patuloy pa ang imbestigasyon para matukoy ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng mga salarin. Inaasahan na may bubuuing special investigation task group (SITG) para tumutok sa kaso.
Samantala, patay din sa pamamaril ang bagong halal na kagawad ng Barangay Dolores sa Antipas, Cotabato na si Edmar Perero.
Binaril si Perero kanilang madaling araw ng mga salarin na inaalam pa ang pagkakakilanlan.--FRJ, GMA Integrated News