Naaresto na ang dalawa sa tatlong suspek sa panghoholdap sa isang coffee shop sa Cebu City. Nilinaw naman ng mga awtoridad, hindi kasabwat ng mga suspek ang kostumer na nakita sa CCTV camera.
Sa ulat ni Nikko Serreno sa GMA Regional TV Live nitong Huwebes, makikita sa CCTV footage ng coffee shop nitong Oktubre 31 sa Salinas Drive sa Lahug, ang isang lalaking kostumer na nagbayad sa kahera sa pamamagitan ng e-wallet.
Maya-maya lang, pumasok na isang suspek na armado ng baril at kinuha ang cellphone ng kostumer. Sunod niyang tinutukan ng baril ang kahera para kunin ang pera.
Nitong November 1, nasakote na ng mga awtoridad ang dalawang suspek sa Mandaue City, habang tinutugis pa ang isa pa nilang kasamahan.
Malaki umano ang naitulong ng CCTV camera para matukoy ang pagkakakinlan ng mga suspek. Pinayuhan ng mga awtoridad ang isa pang suspek na sumuko na. --FRJ, GMA Integrated News