Halos maubos ang anim na miyembro ng isang pamilya na sakay ng isang tricycle matapos silang salpukin ng isang pick-up truck sa Calamba, Laguna.

Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Miyerkules, sinabing agad na nasawi ang padre de pamilya na nagmamaneho ng tricycle.

Sa ospital naman binawian ng buhay ang kaniyang maybahay at dalawa nilang anak na edad apat at 11.

Sugatan din ang dalawa pa nilang anak na edad siyam at 12.

Isang tricycle pa ang nasalpok ng pick-up truck.

Sugatan din ang driver ng pick-up truck at tatlong iba pa.

Ayon sa mga awtoridad, posibleng nakainom umano ang driver ng pick-up truck.

Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang mga nasangkot sa aksidente, ayon sa ulat. --FRJ, GMA Integrated News