Patay ang isang 27-anyos na rider matapos na mabangga ng SUV ang kaniyang motorsiklo sa Dagupan City, Pangasinan. Ang driver na nakabangga, tiningnan lang umano ang gasgas sa kaniyang sasakyan at saka tumakas.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, kinilala ang biktima na si Elmer Carino, residente ng Barangay Buenlag sa Mangaldan, Pangasinan.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, galing sa trabaho at pauwi na ang biktima sakay ng motorsiklo nang mabangga ito ng SUV at takbuhan sa Perez Boulevard sa bahagi ng Dagupan City.

Batay umano sa kuwento ng isang saksi sa kaanak ng biktima, sandali lang bumaba ng SUV ang driver para tingnan ang tama ng kaniyang sasakyan at saka humarurot palayo at iniwan ang biktima.

Mayroon na umanong hawak na CCTV footage ang mga awtoridad at patuloy ang isinasagawa nilang imbestigasyon.

"Kung sino ang nagmamay-ari ng sasakyan, another investigation. Kung siya ba ang nagda-drive doon, under investigation  pa," ayon kay Police Lieutenant Colonel Brendon Palisoc, hepe ng Dagupan City Police Station.

Sa Santa Barbara, Pangasinan naman, nasawi ang ginang na si Myra Calaunan nang bumangga ng kotse ang sinasakyan nilang garong sa national highway.

Sugatan ang kaniyang mister at anak na pitong taong gulang.

Ayon sa pulisya, nag-overtake ang kotse sa sinusundang truck at saktong dumating ng garong na sakay ang mga biktima.

Sinampahan na ng kaukulang kaso ang driver na wala pang pahayag. --FRJ, GMA Integrated News