Dahil hindi pinapayagan ang term-sharing sa nagtablang mga kandidato sa Barangay and Sangguniang Kabataang Elections, idinaan na lang sa draw lots at toss coin kung sino sa kanila ang idedeklarang panalo.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, idinaan sa draw lots ang pagpili kung sino kina Omar Pasawilan at Sukarno Uto, ang magiging barangay chairman ng Rosary Heights 3, dahil nagtabla siya sa boto na 997.
Dalawang piraso ng papel na may nakasulat na No.1 at No. 2 ang inilagay sa palabunutan. Kung sino ang makakakuha ng No. 1, siya ang idedeklarang panalo.
Sa huli, si Pasaliwan ang nakakuha ng papel na may No.1.
Sa ulat naman ng GMA Regional TV One North Central Luzon, sinabing nakapagtala ang Comelec-Abra ng anim na barangay na mayroong mga kandidato na nagtabla.
Kabilang dito ang Barangay Nagtupacan sa Lagangilang, na kinausap ang dalawang kandidatong chairman na nagtabla kaugnay sa magiging proseso ng palabunutan para malaman kung sino sa kanila ang ipoproklamang panalo.
Sa umpisa, isang kandidato umano ang nakiusap na term sharing na lang ang gawin pero hindi ito pinayagan ng Comelec ng lalawigan dahil hindi ito pinayagan sa Comelec resolution.
Dalawang papel din ang inilagay sa palabunutan na ang isa ay may nakasulat na barangay chairman, habang blangko naman ang isa.
Sa huli, si Lou Claro ang nakakuha ng papel na may nakasulat na barangay chairman kaya siya ang nanalo.
Binati naman siya ng kaniyang nakalaban.
Anim na bayan pa sa Abra ang may mga barangay na nagtabla ang dumaan sa katulad na proseso ng palabunutan.
Sa La Union, mayroon ding mga barangay na nagtabla ang ilang kandidato.
Sa Zambales, isang barangay ang idinaan naman sa toss coin ang pagpili ng idedeklarang SK chairman dahil nagtabla ang dalawang kandidato.
Ayon kay Elmo Duque, assistant regional diretor ng Comelec-3, hindi pinapayagan ang term sharing ng mga kandidatong tabla ang boto.
"Kailangan i-break natin yung tie, 'yun kasi yung nasa batas natin. Hindi kasi puwedeng term sharing para paghatian yung term ng isang kandidato, hindi puwede ýon. Dapat isa lamang ang mag-occupy and discharge ng function ng office," paliwanag niya. -- FRJ, GMA Integrated News