Dahil umano sa pag-alalay sa isang botante, nagkairingan at nagsuntukan ang mga tagasuporta ng dalawang kandidatong barangay chairman sa Calinog, Iloilo nitong Lunes.
Sa ulat ni Zen Quilantang sa GMA Regional TV Early Edition nitong Martes, makikita sa video na nagkagulo ang mga tao sa Cahigon Elementary School habang idinaraos ang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections 2023.
Nagkainitan umano ang mga tagasuporta ng dalawang kandidato sa pagka-punong barangay dahil sa pag-alalay sa isang botante.
Dalawang lalaki ang makikitang nagsuntukan at may kumuha pa ng silya para ihampas. May nadinig ding putok ng baril sa hindi kalayuan sa paaralan pagkatapos ng kaguluhan.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, binaril umano ng isang tagasuporta ng kandidato ang pick-up truck ng tagasuporta ng kalaban nitong kandidato.
Nasugatan sa paa at dinala sa pagamutan dahil sa naturang insidente si Eduardo Leysa.
Hinahanap naman ang suspek na si Larry Carolin.
Kapuwa nagsimute ng incident report sa kapulisan ang magkabilang kampo. --FRJ, GMA Integrated News