Malapitang pinagbabaril ang isang lalaking nangolekta ng pautang sa isang palengke ng Malolos, Bulacan. Ang belt bag ng biktima, tinangay ng mga salarin.
Sa ulat ng GTV "State of the Nation" nitong Biyernes, sinabing pasakay na sana sa kaniyang motorsiklo ang biktima nang lapitan siya ng isang lalaki mula sa kaniyang likuran.
Malapitang binaril sa likod ng ulo ng salarin ang biktima.
Kahit nakatumba na ang biktima, ilang beses pa siyang binaril muli ng salarin.
Isa pang suspek ang dumating at tinangkang paandarin ang kaniyang motorsiklo.
Pero nang hindi nila ito napaandar, naglakad palayo ang dalawa dala ang belt bag ng biktima.
Wala raw maisip na motibo sa krimen ang pamilya ng biktima.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga pulis. --FRJ, GMA Integrated News