Nawasak ang suot na helmet at nasawi ng isang traffic enforcer matapos magulungan ng truck na kaniyang hinabol habang sakay ng motorsiklo para sana sitahin dahil sa paglabag sa truck ban sa Bacoor, Cavite.
Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Biyernes, sinabing nangyari ang trahediya noong Miyerkules ng umaga sa Molino Boulevard.
Batay sa imbestigasyon ng Bacoor police, may umiiral na truck ban nang sandaling iyon kaya hinabol ng biktima ang truck na may kargang mga semento.
"Sa paghabol niya, nag-overtake siya sa right side ng truck. Unfotunately, hindi yata napansin ng truck [driver] na may enforcer na humabol sa kaniya. Sumabit yung side mirror siguro, kasama na rin yung manibela ng motor [ng biktima," ayon kay Police Lieutenant Colonel John Paolo Carrecedo, hepe ng Bacoor City Police.
Kinailangan pa umanong harangin ng mga tao ang truck para ipaalam sa driver nito na may nasagasaan siyang enforcer.
May suot na helmet ang biktima pero nawasak ito sa bigat ng karga ng truck.
Sinabi umano ng driver ng truck sa mga awtoridad na hindi sila nagkaroon ng iringan ng biktimang enforcer bago mangyari ang insidente.
"Hindi yung tipo na pinara, tumakbo, hinabol, binangga. Hindi naman ganoon," ayon kay Carrecedo.
Nasa kostudiya ng Bacoor police ang driver ng truck na maaaring maharap sa kaukulang reklamo.
Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang driver ng truck at ang pamilya ng nasawing biktima, ayon sa ulat. --FRJ, GMA Integrated News