Kalunos-lunos ang sinapit ng isang 68-anyos na lalaking mag-uuling matapos siyang mahulog sa hukay ng nagbabagang ulingan sa San Remigio, Cebu. Ang biktima, nasawi.

Sa ulat ng GMA Regional TV Live nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Rodolfo Castillo Basil, ng Purok Nangka, Barangay Cayam.

Nangyari ang trahediya noong umaga ng Huwebes.

Ayon sa ilang residente, narinig nila ang paghingi ng tulong ng biktima. Pero wala umanong nakatulong dahil sa takot na baka mahulog din sila sa hukay kung saan sinusunog ang mga kahoy para gawing uling na ibebenta.

Nang dumating ang mga awtoridad, patay na ang biktima.

Iminungkahi ng pulisya sa pamilya ng biktima na ipa-awtopsiya ang mga labi nito para malaman kung may nangyaring foul play sa insidente. --FRJ, GMA Integrated News