Tatlo katao ang dinakip ng mga awtoridad, kabilang ang incumbent barangay chairman, na umano'y utak sa pagpaslang sa kandidatong makakalaban nito sa naturang posisyon sa Aguilar, Pangasinan. Mga suspek, itinanggi ang paratang laban sa kanila.
Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Miyerkules, sinabing kasama sa mga nadakip ang mismong suspek na bumaril sa biktimang si Arnel Flor Mata, na kandidatong chairman sa Barangay Bayaoas.
Naaresto rin ang driver ng tricycle na ginamit umano ng gunman sa pagtakas, gayundin ang itinuturong utak sa krimen na kasalukuyang punong barangay sa lugar.
Matatandaan na papunta na sa kaniyang sasakyan si Mata para magpalit ng damit makaraang dumalo sa pulong nang sundan siya ng suspek na kunwaring nanghihingi ng alak.
Nang tumalikod si Mata, doon na siya binaril ng suspek na tumakas sakay ng tricycle.
Ayon kay Police Colonel Jeff Fanged, Provincial Director Pangasinan, PPO, lumalabas sa imbestigasyon na inupahan umano ng kasalukuyang barangay chairman ang gunman para itumba ang biktima na tangi niyang kalaban sa naturang posisyon sa darating na Barangay-Sangguniang Kabataan Elections.
Una umanong nadakip ng mga awtoridad ang driver ng tricycle at itinuro nito kung sino ang bumaril kay Mata, at kung sino ang nag-utos.
Naaresto ang gunman sa Mangatarem, Pangasinan, matapos ituro ng tricycle driver ang kaniyang kinaroroonan.
Mahaharap sa kasong murder ang tatlong suspek, na sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ng GMA Regional TV.
Gayunman, itinanggi umano ng gunman at incumbent barangay chairman ang mga paratang laban sa kanila nang makausap ng mga awtoridad.
Samantala, tumanggi munang magbigay ng pahayag ang mga kaanak ni Mata, ayon sa ulat. --FRJ, GMA Integrated News