Patay ang isang kandidatong kapitan ng barangay sa Kapatagan, Lanao del Sur matapos na pagbabarilin ng kaniyang kalaban. Kasama noon ng biktima ang kaniyang asawa at pitong-taong-gulang na anak.
Ayon sa ulat ng GMA News "24 Oras"nitong Miyerkoles, sinabing sakay ng multi-cab ang mga biktima nang mangyayari ang pamamaril. Kaagad na nasawi ang biktima, habang dinala naman sa ospital ang kaniyang mag-ina.
Ang nasawing padre de pamilya ay kumakandidatong kapitan sa Barangay Sigayan. Nakatakas naman ang suspek na kaniyang kalaban sa posisyon.
Ayon sa pulisya, bago na krimen, nagkaroon ng pagtatalo ang suspek at ang misis ng kandidato.
Patuloy na pinaghahahanap ng pulis ang suspek habang pag-uusapan ng Peace and Order Committee ng bayan kung isasama ang lugar sa listahan ng Area of Immediate Concern sa gaganaping Baranggay at Sangguniang Kabataan Elections.
Sa ulat ni James Paolo Yap ng GMA Regional TV News nitong Huwebes, sinabing masuwerteng nakaligtas ang mag-ina ng biktima pero dinala pa rin ng ospital dahil sa trauma.
"Nakasakay sila sa multicab, mag-igib sila. Pagdating doon sa harap ng barangay hall, pinara sila ng suspek na si Pabil Pagrangay, asawa ng incumbent barangay chairwowan ng Brgy. Sigayan," ayon Police Major Alinaid Moner, Spokesperson, LDSPPO. -- Jiselle Casucian/FRJ, GMA Integrated News