Dalawang kandidato ng pagka-barangay kagawad at isang residente pa ang nasawi makaraan silang pagbabarilin sa Cotabato City habang naglalagay ng mga campaign poster.
Sa ulat ni Abbey Caballero ng GMA Regional TV One Mindanao sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, kinilala ang mga nasawi na sina Nur-Mogtadin Butucan, kumakandidatong barangay kagawad sa Rosary Heights 12, at si Alfar Singh Ayunan Pasawiran, kandidatong barangay kagawad naman sa Kalanganan 2.
Nasawi rin ang residente at tagasuporta na si Faisal Abas. Bukod dito, dalawang iba pa ang nasugatan.
Sa video ng kuha ng ilang residente sa pinangyarihan ng krimen sa Barangay Rosary Heights 2 nitong Lunes ng gabi, madidinig ang mga putok ng mga baril na tumagal umano ng ilang minuto.
Ayon sa Cotabato City Police Office, 12 suspek ang naaresto matapos na may makapagturo kung saan umano galing at nagpunta ang mga namaril.
“Initially, sa baba pero according sa witnesses may bumabaril din sa taas. Tinuro kasi ng isa sa mga survivor na doon tumakbo doon yung bahay ng isa sa mga suspek kaya yun ang pinuntirya,” sabi ni Cotabato City Police Office (CCPO) Director, Colonel Querubin Manalang Jr.
Nakakumpiska ang pulisya ng mga baril na kinabibilangan ng M16, caliber .45 pistol, at 9mm pistol.
Isasailalim sa paraffin test ang mga suspek para malaman kung sino ang mga nagpaputok ng baril.
“Sa mga naarestong suspects isasailalim sila sa paraffin test para malaman kung ang mga naaresto is nagpaputok. Pagdudusahan nila kung sila talaga yung mapatunayang responsable sa pagpatay nung tatlo katao at mga sugatan na dalawa,” ani Manalang.
Kinondena naman ng Cotabato City government ang nangyaring karahasan. -- Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News