Nagtamo ng sugat ang isang taxi driver matapos saksakin sa leeg ng kaniyang pasahero sa Cagayan de Oro City.

Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Martes batay sa impormasyon mula sa GMA Regional TV One Mindanao, sinabi ni Police Lieutenant Almer Ocariza, deputy commander ng Puerto Police, nagpahatid sa Barangay Bugo ang suspek mula sa sentro ng Cagayan de Oro.

Dito, bigla na lamang sinaksak ng suspek ang biktima.

Isinugod sa pagamutan ang taxi driver na nagtamo ng sugat sa leeg.

Isa sa mga tinitignang motibo ng pulisya ang panghoholdap.

Tinutugis pa ang nakatakas na suspek na inilarawan ng pulisya na may bandage sa mata.

Samantala, hindi pa makausap ng mga awtoridad ang taxi driver.

Patuloy ang pulisya sa pagkalap ng ebidensiya tulad ng dash cam footage ng taxi at CCTV.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News