Patay ang isang kandidatong barangay captain sa Aguilar, Pangasinan matapos siyang barilin pagkaraang magsalita sa miting de avance sa Barangay Bayaoas. Ang suspek, lumapit sa biktima at nagkuwaring manghihingi ng alak.
Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Arnel Flor Mata, 41-anyos.
Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, papunta na sa kaniyang sasakyan si Mata para magpalit ng damit nang sundan siya ng suspek na kunwaring nanghihingi ng alak.
Nang tumalikod si Mata, doon na siya binaril ng suspek na tumakas sakay ng tricycle.
"Doon nagkaroon ng pagkakataon yung suspek [na barilin ang biktima] na kaunti yung tao. Best time na doon niya isagawa 'yung krimen," ayon kay Police Major Mark Taminaya, hepe ng Aguilar Police Station.
Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad kung election related ang nangyaring krimen.
Sinabi naman ni Marissa Mendiguarin, election officer ng Aguilar, na hindi sapat ang nangyaring insidente para ilagay sa area of concern ang lugar.
Ayon sa mga awtoridad, hindi sila nasabihan na may miting de avance na gagawin sa lugar para nakapaglagay umano sana sila ng mga tauhan.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang pamilya ng biktima.
Samantala, batay sa panuntunan ng Comelec ukol sa BSKE, tanging ang asawa ng nasawing biktima ang maaaring humalili bilang kandidato ng partido na kinaaaniban nito. --FRJ, GMA Integrated News