Nasawi ang isang barangay secretary nang tumilapon mula sa sinasakyan niyang multicab at masagasaan ng bus, na bumangga muna sa multicab sa San Jose del Monte, Bulacan.

Sa ulat ng GMA News Saksi nitong Huwebes ng gabi, mapapanood sa video ang pagbangga ng bus sa likod ng sinusundan nitong multicab.

Dahil dito, nalaglag ang biktimang si Angelica Catague, at nagulungan pa siya ng bus.

Makikita sa video na tumulong ang mga tao sa biktima, ngunit unti-unting umatras ang bus bago humarurot palayo kaya muling nagulungan ang kaniyang ulo.

Sinabi ng pulisya na dead on the spot si Catague, na sekretarya ng Barangay Minuyan 1.

Sinisikap ng GMA Integrated News na makunan ng panayam ang pamilya ng biktima.

Inaresto at nakakulong na ang bus driver na si Joseph Olpindo, na tumangging magbigay ng pahayag. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News