Patay ang isang senior high school student at ang kaniyang kaibigan matapos silang pagbabarilin sa Pikit, Cotabato. Ang isang biktima, nagpasama umano para katagpuin ang kaniyang nobya na lumilitaw na may ka-live in.

Sa ulat ni Jestoni Jumamil sa GMA Regional TV One Mindanao, kinilala ang mga biktima na sina Muhaliden Amer, 20-anyos, at James Ebrahim, 21-anyos, senior high school student.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nagpaalam umano si Amer sa pamilya na aalis para makipagkita sa kaniyang nobya.

“Allegedly, meron siyang i-me-meet up na girlfriend daw umano niya kaya niyaya niya itong si Jamir Ebrahim na pumunta doon sa boundary ng Barangay Laguindingan at Barangay Kalawag, Pikit, Cotabato. ‘Yun nga, alas onse ng gabi, pagdating nila sa area is pinagbabaril po sila,” ayon kay Pikit Police Station Chief, Major Arvin John Cambang.

Apat na basyo ng bala mula sa kalibre .45 na baril ang nakita ng mga imbestigador sa pinangyarihan ng krimen.

Ayon kay Cambang, crime of passion ang isa sa tinitingnan nilang motibo sa krimen dahil lumabas sa kanilang imbestigasyon na may ka-live at anak ang sinasabing nobya ng isa sa mga biktima.

“Isa sa mga anggulo na tinitingnan natin is probably itong tinatawag nating crime of passion. Kasi allegedly, itong kaniyang girlfriend na ka-meet up is meron itong live-in partner at may anak. But we cannot conclude yet. Investigation is still ongoing,” sabi ni Cambang.-- FRJ, GMA Integrated News