Nasawi ang isang anim na taong gulang na babae matapos siyang madulas sa baha at lumusot sa kanal sa La Trinidad, Benguet.
Sa ulat ng 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing nangyari ang insidente sa pababang bahagi ng kalsada sa Barangay Lubas.
Makikita sa isang kuha ng CCTV na umuuwi na noon ang biktima kasama ang kapatid nito habang umuulan.
Ilang saglit pa, nadulas ang bata sa gilid ng kalsada bago tuluyang mahulog sa kanal.
Sinabi ng mga rescuer na pahirapan ang pagpasok sa kanal dahil sa lalim ng baha.
Naisugod pa sa ospital ang bata ngunit hindi na umabot nang buhay.
Nagpaalala ang PAGASA sa publiko na mag-ingat sa baha, lalo na sa mga kalye at tulay na lubog sa tubig.
Bukod dito, huwag ding tumawid sa mga ilog o bahang umaagos na lagpas tuhod. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News