Kahit tumatawid sa pedestrian lane, hindi nakaligtas sa disgrasya ang isang babaeng estudyante na siyam na taong gulang matapos siyang mabangga ng isang pampasaherong bus sa Davao City.

Sa ulat ni Kent Abrigana sa GMA Regional TV "One Mindanao" nitong Biyernes, makikita sa kuha ng CCTV camera sa bahagi ng Quezon Boulevard sa naturang lungsod, na bago tumawid ang biktima, may mga tao na unang nakatawid sa kaniya.

Pero nang tumawid na ang estudyante, doon na siya nabangga ng bus at pumailalim pa ang biktima.

Sinubukan isalba ng mga tumulong ang buhay ng bata pero hindi na siya nailigtas nang dalhin sa ospital.

Nasa kustodiya ng pulisya ang driver ng bus na si Efren Cerona Jr., na humingi ng tawad sa nangyari dahil hindi umano niya napansin ang bata.

Mahaharap siya sa reklamong reckless imprudence resulting to homicide.

Payo naman ng pulisya sa ibang tumatawid na nakatatanda, alalayan na sa pagtawid kung may makikitang mga bata.-- FRJ, GMA Integrated News