Hindi na nailigtas ang buhay ng isang batang babae sa Cebu na nalunod nang mahulog sa imburnal at tangayin ng baha. Ang biktima, kukunin lang sana ang tsinelas ng nakababata niyang kapatid.
Sa ulat ni Nikko Serreno ng Balitang Bistak sa GMA Regional TV News nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang trahediya noong Lunes sa Mandaue City, Cebu habang malakas ang buhos ng ulan.
Kauuwi lang umano ng limang-taong-gulang na biktima mula sa paaralan at kukunin sana ang tsinelas ng nakababata niyang kapatid.
Pero nahulog ang biktima sa kanal at tuluyang inanod sa imburnal na malakas ang agos ng tubig bunga nang malakas na buhos ng ulan.
Nagtulong-tulong naman ang residente para hanapin ang biktima. Gayunman, hindi na rin nailigtas ang kaniyang buhay nang makita siya at dalhin sa ospital.
Bukod sa marami umanong nainom na tubig ang bata, nagtamo rin siya ng mga galos sa katawan, ayon sa ilang residente at opisyal ng barangay. --FRJ, GMA Integrated News