Nahuli-cam ang pagsalpok ng isang motorsiklo sa kasalubong na kotse sa Bantay, Ilocos Sur. Ang nasawing rider ng motorsiklo, lalakarin daw sana ang death certificate ng ama.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Wilfredo Guzman, 63-anyos.
Sa kuha ng CCTV camera, makikita na lumihis ng takbo ang motorsiklo sa national highway sa Barangay Guimod at napunta sa kabilang linya kung saan nakasalpukan niya ang kasalubong na kotse.
Sa lakas ng banggaan, tumilapon si Guzman at nagtamo ng matinding sugat na dahilan ng kaniyang pagkamatay.
Ayon sa pulisya, hinihinala ng duktor na posibleng matinding puyat ang dahilan kaya naaksidente ang biktima dahil may nakaburol sa kanilang pamilya.
Inihayag ng anak ng biktima na ilang araw nang puyat ang kaniyang naaksidenteng ama.
Nakatakda umanong mag-usap ang pamilya ng biktima at driver ng kotse.
Sa Sinait, Ilocos Sur, sugatan naman ang isang rider at ang kaniyang angkas nang sumalpok ang kanilang motorsiklo sa isang kotse.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na umagaw ng linya ang motorsiklo sa pakurbang bahagi ng kalsada kaya nakabanggaan ang kotse. --FRJ, GMA Integrated News