Patay ang isang 66-anyos na babae matapos siyang malunod sa baha na nasa kanilang bakuran sa Binmaley, Pangasinan.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon, na iniulat din sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Baybay.

Sinabi ng pulisya na mag-iigib sana ng tubig ang babae sa poso ngunit nadulas siya at natumba sa baha na may lalim na hanggang tuhod.

Nakitaan ng bali sa isang paa ng biktima at posibleng nahirapan siyang tumayo o umahon.

Wala ring ibang tao sa lugar nang maganap ang insidente. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News