Walang damit nang matagpuan ang bangkay ng isang 14-anyos na babae na dinaganan ng mga bato sa Ligao City, Albay.

Sa ulat ni Lei Alviz sa GMA News "Saksi" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Jhanin Quito Dela Torre.

Halos hindi na makilala ang biktima dahil sa pinsalang tinamo ng kaniyang bungo na palatandaan na pinaghahampas siya ng matigas na bagay.

Bago nadiskubre ang kaniyang bangkay, nakita pa ang biktima na kasama ang mga kalaro na namumulot ng bumagsak na bunga ng niyog.

Iniimbestigahan pa kung ginahasa ang biktima. Pero may nakitang mga pasa sa kaniyang braso na indikasyon na nanlaban o pumalag siya bagong pinatay.

Mayroon na umanong person of interest ang pulisya base sa pahayag ng mga testigo. —FRJ, GMA Integrated News