Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki matapos niyang dalhin sa kaniyang bahay at paulit-ulit na gahasain umano ang isang 19-anyos na estudyanteng may intellectual disability sa Dasmariñas City, Cavite.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes, kinilala ang suspek na si Melvin Mandac, 34-anyos, na dinakip sa follow-up operation ng mga operatiba ng Quezon City Police District Station 14 sa tinutuluyan niyang bahay.
Hinalay umano ng suspek ang biktima na isang Grade 7 student at may intellectual disability.
Sinabi ng pulisya na nagkakilala ang dalawa sa isang dating site at nagkasundo na magkita sa isang gasolinahan sa Brgy. Holy Spirit, Quezon City.
Pinilit isama ng suspek ang biktima sa Cavite, at minolestiya umano ito mula Agosto 1 hanggang 5 ng tatlong beses sa isang araw, ayon sa pulisya.
Dito na dumulog ang mga kaanak ng dalaga sa pulisya at iniulat na nawawala ito.
Nag-post din sila sa social media, hanggang sa may nag-private message sa kuya ng biktima na nasa kanilang lugar ang dalaga.
Matapos masagip ang biktima, dito na sila nag-ulat sa pulisya at ikinasa ang follow-up operation.
“May pagkakamali rin po ako kasi sinamantala ko ‘yung pagka ano ng isip niya. Pero bugso lang po ng pagmamahal kaya ko po nagawa ‘yon. Nagpakita ako sa kaniya nang hindi alam ng magulang. Meron po [kaming relasyon], hindi naman po ako magpapakita sa kaniya kung wala kaming relasyon. Pero nagkaka-video call po kami,” sabi ni Mandac.
Itinanggi ng biktima na may relasyon sila ng suspek, na mahaharap sa reklamong rape at consented abduction. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News