Nagsisimula nang maagnas nang makita ang bangkay ng isang 28-anyos na miyembro ng LGBTQ+ community sa isang bangin sa San Pascual, Batangas. Ang suspek, isang 16-anyos na lalaki na kinatagpo ng biktima bago siya nawala.
Sa ulat ni Deniece Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Lunes, sinabi ng pulisya na nagtungo sa kanilang himpilan ang kapatid ng biktima noong Sabado para i-report na nawawala ito mula pa noong Huwebes.
Nang magsagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad, natuklasan na nagtungo ang biktima sa isang waiting shed sa Barangay Pook na Banal para katagpuin ang binatilyong suspek.
Sa kuha ng CCTV footage, makikita ang suspek na naghihintay sa shed. Hindi nagtagal, dumating ang biktima na sakay ng motorsiklo at umangkas ang suspek.
Ilang oras ang nakalipas, bumalik ang suspek sakay ng kaparehong motorsiklo ng biktima pero mag-isa na lang siya.
"Based doon sa investigation, magka-chat sila. Itong victim ay gay, nagkaroon sila ng mga conversation sa text o chat at doon sila nag-meet doon sa [waiting] shed sa barangay Pook na Banal," ayon kay Police Major Ricaredo Dalisay, hepe ng San Pascual Police Station.
Nakita ang bangkay ng biktima na nagsisimula nang maagnas sa isang liblib na bangin sa nabanggit na barangay ma bihira umanong puntahan ng mga tao.
Sa panayam, sinabi ng suspek na hindi niya sinasadya ang nangyari.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang pamilya ng biktima, pero desidido silang sampahan ng kaso ang menor de na suspek.--FRJ, GMA Integrated News