Para makaligtas, nagtalunan mula sa bintana ang mga pasahero ng isang bus na nagliyab matapos bumangga sa sinusundang trailer truck sa Gerona, Tarlac.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabi ng pulisya na pitong pasahero ng bus ang nasugatan at dinala sa ospital.

Ayon sa mga awtoridad, bago mangyari ang pagliyab ng bus, bumangga umano ito sa sinusundan niyang truck sa Barangay Caturay.

Sa kuha ng CCTV camera, makikita na papaliko na sa kaliwa ang truck pero tuloy-tuloy pa rin ang arangkada ng nakasunod na bus.

Nagawa pa naman daw na makapagpreno ang bus pero hindi na ito nakaiwas at tuluyang nakagitgitan ang truck at bumangga.

Nagkaroon na umano ng pag-uusap ang kinatawan ng bus at truck, habang hihintay ng pulisya kung may pasahero ng bus na magsasampa ng reklamo.

Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang mga pamunuan ng bus at truck, ayon sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News