Nasawi ang isang rider habang sugatan ang isa pa nang magbanggaan ang minamaneho nilang mga motorsiklo sa San Quintin, Abra.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa Abra-Ilocos Sur road sa San Quintin.

Nasawi ang rider na si Anecito Guzman Jr., 55-anyos, habang nabalian naman ng buto sa paa ang nakasalpukan niyang rider na si Roel Biares, 32-anyos.

Mapalad naman na nakaligtas ang live in partner at 11-anyos na anak ni Bianes na angkas niya sa motorsiklo.

Wala pang pahayag ang mga kaanak ni Guzman, ayon sa ulat. --FRJ, GMA Integrated News