Naaresto ng mga awtoridad sa hot pursuit operation ang anim na umano'y holdaper sa Kidapawan City, Cotabato noong Martes.
Sa ulat ng "At Home with GMA Regional TV" nitong Huwebes, sinabing tinugis ng mga awtoridad ang mga suspek sakay ng isang pick-up truck matapos na holdapin ang isang delivery truck at tangayin ang pera na nasa P50,000 sa Barangay Malasila sa bayan ng Makilala.
Kaagad na inalarma ang sasakyan ng mga suspek hanggang sa masabat ng pinagsanib na puwersa ng Makilala at Kidapawan City police.
Nakuha sa mga suspek ang apat na baril, mga bala, sachets na may hinihinalang ilegal na droga, at pera na nakuha sa kanilang hinoldap.
Nakadetine na sa himpilan ng pulisya ang mga suspek at mahaharap sa kaukulang kaso.
Pinuri naman ni Police Regional Office-Soccsksargen (PRO-12) Director, Brigadier General Jimili Macaraeg, ang mabilis na pagresponde ng mga pulis para maaresto ang mga suspek.--FRJ, GMA Integrated News