Patay ang isa pang suspek sa panggagahasa at pagpatay sa isang 28-anyos na babaeng architect sa Davao City nang manlaban umano sa mga awtoridad na aaresto sa kaniya. Nakita na rin ang "bao-bao" o isang uri ng tricycle na sinasabing ginamit ng mga suspek sa krimen.

Sa ulat ni Rgil Relator sa GMA Regional TV "One Mindanao" nitong Martes, kinilala ang nasawing suspek na si Jimmy Lobiano, na siyang umarkila umano sa bao-bao na nasakyan ng biktima bago nakita ang kaniyang bangkay sa Barangay Calinan noong Mayo 17.

Ayon sa mga awtoridad, may nakitang isang piraso ng hikaw sa bao-bao na sinasabing isa sa pares ng hikaw ng biktima.

Lumitaw na hindi na nakakapaghulog ang suspek sa pag-arkila sa bao-bao.

Nalaman din ng mga awtoridad na may dati nang may arrest warrant sa kasong rape ang suspek na kamag-anak niya ang biktima.

Nang aarestuhin, sinabi ng mga awtoridad na nagpaputok umano ng baril na kalibre .38 ang suspek na dahilan para barilin na rin siya ng pulis na kaniyang ikinamatay.

May apat na suspek na nauna nang naaresto at kinasuhan ng mga awtoridad noong Hunyo. --FRJ, GMA Integrated News