Isang estudyante ang nasawi, habang isa pa ang nasugatan matapos silang mabundol at makaladkad ng isang pampasaherong jeepney sa Aurora, Isabela.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Martes, sinabing naglalakad sa gilid ng kalsada ang dalawang biktima sa Barangay Sta. Rosa nang mangyari ang insidente.

Ayon sa kaanak ng biktima, kalalabas lang ng paaralan ng mga estudyante para sana mananghalian.

Batay sa pahayag ng driver ng jeep sa mga awtoridad, nawalan umano ng preno ang kaniyang sasakyan.

"Kumaliwa daw siya kasi hindi niya napansin ang mga bata. Base sa kaniya, allegedly nawalan daw siya ng preno. Yung namatay noong nabangga, sumabit yung uniform kaya napailalim siya," ayon kay  Police Staff Sergeant Heinrich Lalantacon, investigator, Aurora Police Station.

Nasa kustodiya ng mga awtoridad ang driver na nahaharap sa patong-patong na reklamo. --FRJ, GMA Integrated News