Nahuli sa akto ang isang ginang na nagbebenta ng karne ng aso sa kaniyang karinderya sa Mapandan, Pangasinan. Ayon sa pulisya, ang ginang mismo ang kumakatay sa hayop.
Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Miyerkules, nakumpirma ang pagbebenta ng suspek ng karne ng aso sa Barangay Baloling nang magpanggap na kustomer ang tauhan ng mga awtoridad.
Nakumpiska mula sa suspek ang ginamit na markadong pera sa pagbili ng karne ng aso, isang buhay na aso, isang patay na aso, lutong karne ng aso at frozen dog meat.
Ayon sa awtoridad, ang ginang din mismo ang kumakatay sa aso.
Napag-alaman na ikatlong beses na itong pagkakaaresto sa ginang na dati nang nakasuhan ng paglabag sa Animal Welfare Act.
Ayon naman sa animal rights group na Animal Kingdom Foudation, matagal nang nasa watchlist nila ang ginang.
Bukod sa reklamong paglabag sa Animal Welfare Act, sasampahan din ang suspek ng reklamong paglabag sa National Meat Inspection Service Code, at Anti-Rabies Act.
Wala pang pahayag ang nakadetineng suspek, ayon sa ulat.-- FRJ, GMA Integrated News