Pinagbabaril at namatay ang isang mag-asawa at dalawa nilang anak sa Himamaylan City, Negros Occidental. 

Sa ulat ni Aileen Pedroso ng One Western Visayas sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, kinilala ang mga biktima na mag-asawang Rolly, 52-anyos, at Imelda Fausto, 49-anyos, at dalawa nilang anak na edad 11 at 15.

Sa loob at labas ng bahay nakita ang duguang katawan ng mag-iina, habang sa maisan naman nakita ang katawan ng kanilang padre de pamilya na 50 metro ang layo mula sa kanilang bahay sa Barangay Buenavista.

Ayon sa pulisya, ang isang anak na babae ang nakadiskubre sa bangkay ng mga biktima. Wala umano sa bahay ang anak na nakaligtas nang mangyari ang masaker noong Miyerkules ng gabi.

Lumalabas sa imbestigasyon na bago mangyari ang krimen, may mga armadong lalaki ang nagtanong kung saan ang bahay ng mga biktima.

"According sa initial interview ng investigator, may isang neighbor nila na halos 100 meters ang distance [sa bahay ng mga biktima] na may armado na pumunta sa kanila at nagpa-guide kung saan ang bahay ng mga biktima," sabi ni Police Major Reynante Jomocan, hepe ng Himamaylan Police Station.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin at motibo sa krimen.--FRJ, GMA Integrated News