May nakitang mga putol-putol na parte ng katawan ng isang babae sa ilalim ng isang tulay sa Antipolo City, Rizal nitong Biyernes ng tanghali.

Sa ulat ni Jamie Santos sa GMA News "Saksi", sinabing isang nangangalakal ng basura ang unang nakakita sa ulo, paa at braso ng biktima sa ilalim ng tulay ng NHA sa Barangay Dela Paz.

Kinilala naman ng kamag-anak ang biktima na si Lanie Cabanet Loreto.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na nagpahatid ang biktima noong Hunyo 7 sa kaniyang live-in partner sa Cogeo. Makikipagkita umano ito sa isang alyas “Ate” malapit sa isang mall pero hindi na nakauwi.

Dakong 5:00 pm, nakatanggap ng impormasyon ang mga pulis na may nakita namang katawan ng tao sa Sitio Calumpang Boso-boso.

Kinumpirma ng Antipolo police na bahagi rin ito ng katawan ng biktima.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy ang motibo at pagkakakilanlan ng salarin.--FRJ, GMA Integrated News