Nagka-injury sa paa ang isang turista matapos siyang mahagip ng tren habang nagse-selfie sa may riles na ipinagbabawal puntahan sa Taiwan.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapanonood ang video ng Alishan Forest Railway and Cultural Heritage Office ng maayos na pag-andar ng tren, hanggang sa mabulaga ang driver sa kalagitnaan ng biyahe dahil sa mga turistang namataan sa may riles, na isang restricted area.

Ilang saglit lang, nagsigawan na ang mga tao.

Sa isa namang video, mapanonood ang nangyari sa isang turista kung saan natumba ang 55-anyos na si Lui habang nagse-selfie.

Agad ihininto ng driver ang tren upang tumulong.

Base sa mga lokal na ulat, nagtamo si Lui ng injury sa kaniyang kaliwang paa, ngunit nasa maayos na ngayong kondisyon.

Matapos ang insidente, isang oras na-delay ang tren at apektado ang 62 pasahero.

Apektado rin ang schedule ng limang biyahe.

Base sa imbestigasyon, nilabag ng grupo ang regulation ng pagbabawal sa mga turista sa track area.
Maaaring ma-ban ang kanilang travel agency sa lugar sa loob ng isang taon.

"After investigation, Dream International Travel Service has also led a group to illegally walk on the forest railway tracks before. This time, they led the group to walk on the track and allowed the group members to scatter around the track area to take photos without supervision and warning," sabi ng Alishan Forest Railway and Cultural Heritage Office.

Balak ding pagmultahin si Lui ng aabot sa $1,500 o katumbas ng mahigit P90,000.

"[We] will impose a heavy fine on the citizen in accordance with the Railway Law. [We] will also notify the Tourism Administration of the Ministry of Transport to investigate... and impose severe penalties," sabi pa ng Alishan Forest Railway and Cultural Heritage Office. — VBL, GMA Integrated News