Isang multi-purpose vehicle ang tumagilid matapos itong bumangga sa isang poste sa Rodriguez, Rizal. Isang babaeng naglalakad ang sugatan matapos mahagip, pati na rin ang isa sa mga pasahero ng van.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Balitanghali nitong Martes, mapanonood sa isang video na kinokompronta ng isang lalaki ang driver ng tumagilid na multi-purpose vehicle sa Payatas Road, Mayon Avenue, sa Barangay San Jose bandang 12 a.m. ng linggo.
Ang lalaki ang live-in partner ng babaeng nadamay sa aksidente.
Sinabi ng pulisya na nagmula sa Quezon City ang multi-purpose vehicle na papuntang Rodriguez, Rizal.
"Pagdating po doon sa Barangay San Jose, zigzag po 'yun. Bumangga po siya sa steel na poste then sa pader. Na-out of control na po siya hanggang sa nag-turn turtle. Nagkataon naman po na sa unahan niya po may motor po saka naglalakad na babae. Hindi po nabangga 'yung babae, inabot lang po ng paggulong ng sasakyan po," sabi ni Police Lieutenant Colonel Arnulfo Selencio, Chief of Police ng Rodriguez Municipal Police Station.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na magkaangkas ang mag-live-in partner bago mangyari ang aksidente.
Makaraan ang ilang sandali matapos bumaba ang angkas na babae, bumangga naman ang sasakyan sa poste at nahagip ang biktimang naglalakad sa gilid ng kalsada.
Nagka-injury sa paa ang babaeng biktima, na kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.
Nagkaroon din ng minor injury sa ulo ang isa sa apat na pasahero ng tumagilid na sasakyan.
Hindi nagbigay ng pahayag sa media ang driver ngunit base sa salaysay niya sa pulisya, umamin siyang nakatulog siya habang nagmamaneho.
"Hatinggabi na po. Nakaidlip, hindi niya po akalain na sasabit siya roon po sa poste. So hindi po siya nakainom. Nagkataon lang po talagang antok na. Tsaka madilim po sa area," sabi ni Selencio.
Nagkaareglo na umano ang dalawang panig kung saan nangako ang driver na sasagutin niya ang pagpapagamot ng babaeng biktima. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News