Timbog ang isang ina dahil sa paglalako umano online sa 13 araw na gulang niyang sanggol sa Taguig.
Sa ulat ni Chino Gaston sa 24 Oras nitong Martes, sinabing dinakip ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) - Women and Children's Protection Center (WCPC) ang suspek, habang dala-dala ang bagong silang na sanggol.
Nagpanggap ang pulisya na gustong mag-adopt ng sanggol nang ialok sa kanila ito ng suspek online.
“Thirteen days old ang bata. Inalok sa internet, tayo naman may undercover tayo na pulis. Ayun 'yung naging way namin para ma-entrap 'yung nagbebenta,” sabi ni Police Brigadier General Portia Manalad, hepe ng PNP - WCPC.
Matapos mabuko ang pagbebenta sa anak, nahaharap ang suspek sa paglabag sa RA 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act at Human Trafficking.
“Actually, dini-discourage nga natin talaga na mag-end up sila dito sa illegal adoption. Kasi sabi nga ng DSWD, medyo in-ease na nila 'yung process to adopt a child,” payo ni Manalad.
Base sa datos ng PNP - WCPC, may 22 social media sites ang nag-aalok ng illegal adoption.
Napatanggal na ng PNP ang ilan sa mga ito, ngunit may mga nag-o-operate pa rin na patuloy na binabantayan ng pulisya.
Maliban sa illegal adoption, binabantayan din ng PNP ang mga grupong nag-aalok ng illegal surrogacy, kung saan pinagdadalang-tao ng mga mayayamang foreigner ang mga Pilipinang menor de edad kapalit ng pera.—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News