Nasawi ang isang unggoy na nasa compound ng may-ari nito matapos itong barilin ng isang sundalo sa Lianga, Surigao del Sur.
Sa ulat ni Sarah Hilomen-Velasco ng GMA Regional TV One Mindanao, na iniulat din sa Saksi, sinabi ni Princess Gabule na duguan at wala nang buhay nang makita niya ang kaniyang alagang unggoy na si KC.
Sinabi ni Gabule na binaril ng isang sundalo ang unggoy sa loob ng kanilang compound.
“Pinuntahan kami ng CAFGU, sabi niya, ‘Ang inyong unggoy, nabaril namin.’ Sabi ko ‘Anong binaril na nasa loob lang naman ng balwarte namin ito, binakuran namin at itinali namin,” sabi ni Gabule.
Kinilala ang sundalong bumaril sa hayop na si Staff Sergeant Ricky Puyat ng 9th Special Forces Battalion, na umamin sa kaniyang ginawa.
Ngunit giit ng sundalo, napagkamalan lamang niya ito, matapos makatanggap ng utos mula sa barangay captain na hanapin ang isang unggoy na umatake at kumagat umano sa dalawang bata sa lugar.
“‘Di namin sinasadya ‘yung pagbaril doon sa unggoy. Namali lang. Na-mistaken identity lang kami,” depensa ni Puyat.
Humingi na ng tawad ang sundalo, ngunit hindi umano ito palalagpasin ni Gabule at plano niyang sampahan ng reklamo ang opisyal.
“Criminal act talaga siya based on Wildlife Act of the Philippines… Meron siyang imprisonment kung mapapatunayan beyond reasonable doubt kasi criminal (act) ang gusto lang pumatay ng wildlife without clearance,” ayon sa CENRO Officer ng Lianga na si Joseph Langanlangan. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News