Ipinakita ng mga traffic enforcer sa Laoag City, Ilocos Norte na wala silang pinipili sa pagpapatupad ng batas trapiko. Maging ang kapuwa nila traffic enforcer na rider, tinekitan nila at pinagmulta ng P1,000 dahil "nakalimutan" ng kaniyang angkas na magsuot ng helmet.
Sa ulat ng Mornings with GMA Regional TV nitong Huwebes, napag-alaman na isa ring traffic enforcer ang angkas na hindi nagsuot ng helmet.
Ayon sa pulisya, lumilitaw na nagmiryenda ang dalawang traffic enforcer at pabalik na sa kanilang puwesto sakay ng motorsiklo nang masita ng mga kapuwa traffic enforcer.
"Pabalik na sila sa puwesto, yung driver [rider[ nag-helmet, yung angkas niya akala niya... nakasombrero kasi siya, 'yon na yung helmet niya," sabi ni PCMS. Eric Bumagat, Chief, DPS and Traffic, Laoag City Police Station.
Ang pagtiket ng mga traffic enforcer sa kabaro nila ay patunay daw na wala silang pinili sa kapag may lumabag sa batas trapiko.
"Para hindi sabihin ng iba na may pinapanigan kami," ayon kay Rhealiza Pasion, na isang traffic enforcer.
Hindi na nagbigay ng pahayag ang traffic enforcer na sumita sa kasamahan, pati na ang traffic enforcer na angkas na nakalimutang magsuot ng helmet.
Ayon naman kay Edmund Lorendo, ang taffic enforcer at rider na natiketan, hindi niya napansin na hindi nagsuot ng helmet ang kaniyang kasama.
Sa kabila ng nangyari at pagbabayad ng multang P1,000 sa nagawang paglabag, wala raw sama ng loob si Lorendo sa mga kasamahan na ginagawa lang ang trabaho. --FRJ, GMA Integrated News